YUNGIB NG PATIBONG (ISYU NG KABATAAN)



'Di ko alam kung paano ako iginiya ng tadhana
Patungo sa yungib na ako ay nalulula
Na kung anong sarap nito sa panlasa't pandama
Ay siya ring kasingpait, kayhirap kumawala

Panandaliang saya't ligayang walang katulad
Pagsisisi'y kapalit pagkat 'di nararapat sa patawad
Pagkatapos mapuno ng pagkalugod ang katawan
Puso'y pinipigsa ng dusa, konsensya't, kadiliman

Kay lalim ng aking binagsakan
Tila kutitap ng alitaptap, ang liwanag sa kalangitan
Binalot ng anino aking buong kapaligiran
Gaano man kalakas ang sinag hindi pa rin ito naaarawan

Mahigpit na nakakadena't, sarili'y pinandirihan
Nakagapos sa ideyang, ito ba'y kasuklam-suklam?
Dahil sa tunay na kaligayaha'y nabulag nang di inasam
Subalit, pilit na iniaangat kinasasadlakang kasarinlan

Kinukumbinsi ang sariling madadaig din
Mula sa pagkatuyo ng naturang panahon at dahon
Sa pagkauhaw't tigang na hiyawan ng laman
Ngunit, hindi sapat upang mapanatag nang tuluyan

Gaano ba ako ngayon ka-makasalanan?
Kamay, mata, maging isipang noo'y uliran?
Nangungulila ako sa inosenteng pakiramdam
Magmula nang ako'y mahulog sa 'sang kweba na siyang sa sikmura ngayo'y laging kinakalam.

Kung maaaring umiwas, piliting sumakay
Sa bugso ng init ay 'wag patatangay
Langit sa pandama, ngunit isang nagbabalat-kayong patibong sa ilalim ng kaakit-akit na hubad na maskara.

Mga Komento

  1. Maraming salamat po sa mga bumasa at babasa pa lamang ng aking mga ibabahaging kuwento, karanasan, sulatin at iba pa. 🫶

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

PAGLIRIP SA AWITIN NI ANDREA WIJK